“By the way, to all my followers, I wanna say goodbye and thank you sa lahat ng natuwa at nanood sa Showbiz Central. Ako po’y magpapaalam na, huling linggo ko.”
Ito ang kontrobersyal na tweet ni Rufa Mae Quinto kaninang umaga.
Kaya naman sa Showbiz Central kanina, April 15, bilang isa sa mga co-hosts ng show ay nagbigay na ng kanyang mga pahayag ang sexy comedienne/host.
Noong una kasi ay may mga nag-akala na na-hack ang Twitter account ni Rufa Mae at baka hindi siya ang nag-tweet ng naturang mensahe.
“In fairness, hindi pa naman po naha-hack ang Twitter account ko, ako pa rin po iyon.
"Wala… I woke up today, so paggising ko, lahat ng followers ko, parang sila lang yung… parang gusto kong ilabas yung feelings ko kaya nai-tweet ko iyon,” umpisang pahayag ni Rufa Mae.
Ang isa pang tweet ni Rufa Mae ay…
“Okay lang mga friends, mapapanood ninyo pa rin ako sa Ride To Love [her upcoming movie]. Okay lang.”
“I miss my Sundays; it’s been 11 years akong nagtatrabaho pag linggo.”
CAREER MOVE. Humarap si Rufa Mae sa Showbiz Central co-hosts niyang sina Jennylyn Mercado, John “Sweet” Lapus, at Raymond Gutierrez at ang unang tanong kay Rufa Mae ay kung bakit siya nagdesisyon na iwan na ang naturang showbiz talk show? Na-burn-out ba siya?
“No, no hindi iyon. Career move. Iyon nga maraming gagawing projects at tsaka iyon ang na-feel ko e, paggising ko.
"Parang… gusto kong magbiyahe ng walang traffic, alam mo yung ganun?
“Kasi 11 years, magmula pa noong nasa SOP ako, nagtatrabaho na ako tuwing Linggo. So parang lagi, tuwing Linggo, hindi ko na maramdaman yung family day, church day.
“But of course, hindi lang naman iyon ang reason, kumbaga, isa yun sa mga reasons ko.”
Bago siya nag-tweet about her decision, sino na ang nasabihan niya about this?
“Well, very ano kasi, galing ako sa Viva Films, kay Boss Vic at kay Veronique [del Rosario] nung Friday.
"So nung Friday lang kami nag-usap-usap, dun lang nadesisyon na okay… actually hanggang April 30.
“Kaya lang parang tinanggap ko na sa sarili ko na tapos na ako sa … hindi naman sa Showbiz Central, mapapanood pa din naman ninyo ako kung saan-saan, pero tinanggap ko na, na hindi ko na kayo makakasama linggo-linggo.
“Kaya iyon siguro yung, kasi alam ko na e, na aalis na din ako. Hindi pa ngayong araw na ito pero parang gusto ko nang sabihin.
"Kasi for almost five years din naman tayong nagsama-sama, nakasama ko po kayo ng five years at naitaguyod namin ang show ng five years so…
"Matindi rin naman yung kalaban natin, so for me, parang iyon yun, mami-miss ko lahat.
“So I think dapat mag-goodbye naman nang maayos, di ba?”
ANOTHER NETWORK? Deretsahang tinanong kay Rufa Mae: Lilipat ba siya sa kabilang istasyon?
“I’m not closing naman my doors.
"Siyempre di ba, I mean bilang artista, gusto mo ring makapagtrabaho ng… I mean iba’t-ibang klase ng artista so I’m looking forward to that!”
Nabanggit rin na naitaguyod na ni Rufa Mae ang pagpapatapos ng pag-aaral ng kanyang mga kapatid sa tulong na rin ng kanyang pag-aartista at paghu-host kaya posibleng isa iyon sa dahilan kaya gusto niyang magpahinga kahit tuwing araw ng Linggo.
MISSING HER SUNDAYS. Ano ang unang-unang naiisip niyang gawin ngayong malilibre na ang araw ng Linggo niya?
“Iyon na nga, yung mamasyal tuwing Linggo, pupunta ng Tagaytay, yung mga ganung eksena.
"Simple lang, family day, magtse-church kayong sabay-sabay ng family tapos kakain sa labas or puwede kaming mag-out-of-town hanggang Linggo, di ba?
“Of course magtatrabaho rin naman ako kahit Linggo, kung trabaho naman kaya lang siyempre hindi na yung nakaano ako lagi linggo-linggo, yung ganun.”
Malapit na ang anniversary ng Showbiz Central, at pupunta pa rin naman daw si Rufa Mae sa selebrasyon.
“Well, kung invited ako, why not? Of course!”
Sinabi naman ni Raymond kay Rufa Mae na…
“We don’t want to say goodbye, and we don’t want to say that this is final because I know within this week you will be talking to a few people, and you will be talking to very important people and you will make certain decisions and sana lang pag nagkaroon ka na talaga ng final decision ay balitaan mo kami.”
Na sinagot naman ni Rufa Mae ng “Of course, of course!
“Ngayon, babalitaan ko na kayo agad-agad.”
PROPER GOODBYE. Gusto raw bigyan si Rufa Mae ng proper goodbye sa show kung talagang iyon na ang desisyon niya, hindi yung biglaan at nabasa na lamang ng mga tao sa Twitter at ikinagulat ng lahat.
Muntik nga raw siyang hindi mag-report kanina sa show, ayon pa kay Rufa Mae.
“Actually muntik pa nga akong hindi makaabot dahil parang, ‘Pupunta ba ako o hindi?’
“Kaya lang siyempre ayoko namang magkaroon ng… gusto ko nga respetuhan, na nagtrabaho tayo ng bonggang-bongga, nagpaandar, so tuluy tuloy lang ang paandar, di ba?”